“Tugisin ang mga smugglers ng mga agricultural products at protektahan ang mga lokal na magsasaka mula sa kompetisyon.”
Ito ang apela ni Senador Win Gatchalian sa lahat ng ahensiya ng gobyerno gayung kaliwa’t kanan ang mga nakukumpiskang produktong smuggled, subalit wala pang nahuhuling malaking isda o “big fish” na dapat siyang masawata para mahinto o mabawasan ang iligal na pag-aangkat ng mga produkto.
Magugunita na nagsagawa ng mga pagdinig ang Senate committee of the Whole kaugnay sa isyu noong Hunyo, 2022 at lumabas sa ulat ang sinasabing pagkakasangkot ng ilang indibidwal sa malakihang pagpupuslit ng produktong pang-agrikultura.
Base sa datos ng agriculture department, sa pagitan ng 2019 at 2022 lamang, humigit-kumulang P667.5 milyong halaga ng mga agriculture at fishery products ang naipuslit sa bansa kahit na nagsagawa ang Bureau of Customs (BOC) ng 542 na kaso ng seizure na kinasasangkutan ng P1.99 bilyong halaga ng mga produktong pang-agrikultura.
Kabilang sa mga farm commodities na ipinuslit sa bansa ang asukal, mais, baboy, manok, bawang, sibuyas, karot at isda, ayon sa datos ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture.